Manila, Philippines – Umaasa si Housing and Urban Development Committee Chairman Albee Benitez na magiging solusyon na para sa problema sa pabahay ang bagong tatag na departamento na pinirmahan na ni Pangulong Duterte.
Sa ilalim ng bagong tatag na Department of Human Settlements and Urban Development, hindi lamang pagtatayo ng abot-kayang pabahay para sa mga mahihirap ang layunin ng panukala kundi isasaalang-alang din ang mabilis na access sa trabaho, sa paaralan, pagamutan at transportasyon.
Ang kagawaran din ay binibigyang mandato para tukuyin ang mga bakanteng lupa ng gobyerno na maaaring pagtayuan ng in-city housing sites.
Paliwanag ng kongresista, naging bigo noon ang mga proyektong pabahay ng pamahalaan dahil itinatayo ang mga tahanan sa mga remote areas na malayo sa kabuhayan at kulang para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga beneficiaries.
Nagpasalamat din ang mambabatas sa pagpirma ni Pangulong Duterte sa batas dahil noon pang 9th Congress ito itinutulak pero ngayong 17th Congress lamang ito naging priority measure ng pamahalaan.