Manila, Philippines – Nakatakdang makipagpulong si Interior Secretary Mike Sueno sa mga opisyal ng senado at kamara kaugnay sa gagawing batas hinggil sa pag-aappoint ng Officers-In-Charge (OIC) sa mga barangay.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Duterte hinggil sa planong postponement ng barangay election sa Oktobre 23, 2017.
Nauna ng sinabi ng Commission on election Chairman Andres Bautista na handa silang sumunod sa pasya ng Pangulo basta’t kailangan lamang ng kaukulang batas para rito.
Ganito rin ang naging pahayag ni senate President Koko Pimentel at sinabing hindi uubra ang isang Presidential Decree para sa pagpapalit ng mga opisyal ng barangay.
Matatandaan, inihayag ng Pangulo na mas gugustuhin niyang magtalaga ng OIC sa barangay kaysa ituloy pa ang eleksyon sa Oktubre dahil sa pagkakasangkot ng ilang opisyal ng barangay sa sindikato ng iligal na droga.
Bukod dito, makakatipid din aniya ang pamahalaan at mabibigyan ng pagkakataon ang ilang sektor gaya ng simbahan na mag-nominate ng kanilang gustong paupuin bilang opisyal ng barangay council.