Manila, Philippines – Mahigpit na iniutos ng Department of National Defense sa Philippine Navy na sitahin at itaboy sakaling may makitang Chinese survey ship sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa pagharap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang forum sa Camp Aguinaldo, kinumpirma nitong mayroong namataan na survey ship ng china sa bahagi ng Benham Rise sa silangang bahagi ng bansa.
Nadiskubre ang Chinese survey ship base sa satellite photos at nakuha nilang incident reports.
Nakita ang nabanggit na survey ship simula pa noong isang taon at tatlong buwan ng namalagi sa Benham Rise mula Batanes hanggang Surigao.
Hindi naman masabi ni Lorenzana kung ano talaga ang ginagawa ng barko ng China sa Benham Rise.
Bukod sa Benham Rise, sinabi ni Lorenzana na namataan rin ang ilang Chinese survey ship sa Recto Bank o Reed Bank sa West Philippine Sea.
Sabi ng opisyal, noon pang Disyembre 2016 isinumite ng DND sa Department of Foreign Affairs ang report hinggil dito para iprotesta ang China.
Sa ngayon, tsine-check pa ng DFA kung may natanggap silang mga report mula sa DND hinggil sa insidente.
Wala pang reaksyon ang Chinese embassy hinggil dito.