Pinasalamatan ni Mayor Isko Moreno ang Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) dahil sa malaking nagawa nito para muling maging tourist destination ang lungsod ng Maynila.
Ayon kay Moreno, naging mabilis ang aksyon ng DTCAM sa plano ng lokal na pamahalaan na muling iangat ang kalidad ng turismo sa maikling panahon.
Matatandaan na naging ganap na departamento ang dating Bureau of Tourism, Culture and Arts of Manila na pinamumunuan ni Director Charlie Dungo.
Sa ilalim ng bagong mandato, sinabi ni Mayor Isko na maari nang maglatag ng short, medium at long term plan ang DTCAM kaugnay sa pagsusulong at pagpapasigla ng Maynila kasama rito ang paghahanda, pagplaplano at pagpopondo sa kanilang programa.
Isa din sa pangunahing misyon ng DTCAM ay ang maiangat ang estado ng lungsod, isulong ang kultura ng bansa at pasiglahin ang Filipino artistry hindi lamang sa mga Manileno kundi sa mga Filipino na nasa iba’t-ibang bansa at gawin ang Maynila bilang destinasyon ng mga local at dayuhang turista.
Sa ngayon, abala ang DTCAM sa pagpo-promote ng mga tourist attraction sa lungsod ng Maynila kung saan ilan sa kanilang ipinagmamalaki ay ang Jones Bridge, Kartilya ng Katipunan at Bonifacio Shrine.