Hinamon ni COOP-NATCCO Partylist Representative Sabiniano Canama si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na tukuyin at pangalanan ang mga industry player na nais nitong bigyan ng dole out.
Ito ang hamon ng kongresista kasunod ng patuloy na pagtalakay ng Bicameral Conference Committee sa P162 billion-Bayanihan 2 kung saan ipinipilit umano ni Puyat na ilaan na lamang ang P10 billion bilang bailout fund sa mga malalaking korporasyon at negosyo sa turismo sa halip na sa tourism-related infrastructure projects.
Iginiit ni Canaman na dapat unahin ng Department of Tourism (DOT) ang kapakanan ng 5.7 million na manggagawa sa tourism sector at kanilang mga dependents kaysa ang mga malalaki at private travel leisure company.
Kung ibibigay aniya ang pondo bilang financing program sa mga pribadong tourist companies ay hindi nito matutulungan ang mga maliliit na manggagawa sa larangan ng turismo.
Punto nito na agarang trabaho ang kailangan ngayon ng mga manggagawa ng tourism sector at isa sa tugon dito ang tourism infrastructure projects na may malaking multiplier effect.
Bukod dito, kahit bigyan din ng pautang ang mga malalaking pribadong tour company ay hindi naman agad magbabalik sa pagbiyahe ang mga turista dahil mayroon pa ring banta ng COVID-19.