Department of Tourism, nanindigang hindi kinopya ang kanilang “Experience the Philippines” ad

Manila, Philippines – Nanindigan ang Department of Tourism (DOT) na hindi nila kinopya ang konsepto ng “Experience the Philippines” ad sa isang lumang patalastas ng South Africa noong 2014.

Paliwanag ni Tourism Asec. Frederick Alegre, bagaman may hawig ay ibang-iba ang kanilang ad dahil ang taong bida sa video ay isang ‘real-life Japanese retiree’ na piniling sa Pilipinas manatili.

Sa tourism video ng DOT, ipinapakita ang bulag na Japanese retiree na si M. Uchimura na naglilibot sa mga kilalang tourist spots sa bansa.


Dipensa naman ng advertising agency na Mccann World Group Philippines ang DOT sa nasabing ad.

Paliwanag ni Niña Terol, AVP/ Director for Corporation Affairs ng Mccann Worldgroup Philippines, hindi tama na akusahan ang DOT ng plagiarism dahil ibinatay lamang nila ang kanilang ginawang ad campaign sa ikinuwento ni Uchimura.

Una nang naakusahan ng plagiarism ang DOT noong 2010 sa Pilipinas kay ganda logo na hawig sa Poland.

Pinalitan naman ito ng It’s More Fun in the Philippines noong 2012 na inakusahang kahawig rin ng It’s More Fun in Switzerland campaign noong 1951.

Ang inilabas na ad ng DOT ngayon ay ikalawa pa lang sa apat na gagawin ng Mccann kung saan naunang ipalabas ang anak TV ad tungkol sa isang banyaga na nakaranas ng kabutihan ng isang pinoy.

DZXL558

Facebook Comments