Department of Tourism, suportado ng DILG sa pagsasaayos ng proseso sa travel requirements na inilatag ng mga LGU

Suportado ng Department of Tourism (DOT) ang ginagawa ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ayusin ang proseso sa pagbiyahe at mga hinihinging requirement na inilatag ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, matagal na nilang iminumungkahi na simplehan o pagaanin sana ang mga hinihinging travel requirements lalo na’t nagiging sagabal ito para umusad ang lokal na turismo.

Nabatid kasi na lumalabas sa pag-aaral na 81 percent ang nagsasabi na ang mga inilatag na requirements sa pagbiyahe ng ilang mga lokal na pamahalaan ang isa sa nagiging dahilan kaya’t naaapektuhan ang turismo sa bansa.


Ilan sa mga travel requirements na ito na hinihingi ng mga Local Government Unit (LGUs) ay ang medical certificate, COVID test bago at pagkadating sa lugar kung saan bumiyahe at pagsasailalim sa quarantine.

May ilang lugar din na dapat isaayos ang kanilang mga panuntunan partikular ang pagsasailalim sa RT-PCR test sa mga bata, paglilimit ng kapasidad sa mga kwarto, age restrictions kasama na ang kilos at galaw ng mga domestic tourist.

Sinabi ni Puyat na ang paglalatag ng maaayos na panuntunan sa mga hinihinging requirements ay mas lalong mapapadali ang pagbiyahe ng ilang mga lokal na turista habang nasisigurong napoprotektahan ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.

Kasabay nito, makakatulong ang nasabing hakbang para mapigilan ang pagpasok ng mga indibidwal na gumagawa ng mga pekeng dokumento para makabiyahe.

Facebook Comments