Umapela ang Department of Tourism (DOT) sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na ikunsidera ang mga establisyimento sa pagpapatupad nito ng curfew.
Sa isang statement na inilabas ng DOT, hiniling nila sa mga alkalde na maglabas rin ng malinaw na guidelines hinggil sa curfew para maging malinaw ito sa publiko maging sa mga tourism stakeholders.
Ayon pa sa DOT, ang mga establisyimento tulad ng mga restaurants, hotels, groceries, convenience stores at drugstores ay nag-o-operate ng lagpas sa inirekumendang panahon ng curfew.
Matatandaan naman sa unang rekumendasyon ng Metro Manila Council, nais nilang magkaroon ng curfew sa Metro Manila mula 8 pm hanggang 5 am.
Gayunman, depende parin ito sa bawat Local Government Unit (LGU) at kailangang maglabas ng ordinansya ang bawat lungsod para rito.
Umaasa ang DOT na ikukunsidera ng mga LGU ang kanilang apila para na rin sa interes ng publiko.
Giit pa ng DOT, dapat ding mabigyan ng sapat na panahon ang mga establiyimentong ito para maihanda ang kanilang mga tauhan.