Pinagagamit ni Senator Jinggoy Estrada na batayan sa pagbabalik ng blended learning ang department order ng Department of Education (DepEd).
Sa gitna na rin ito ng usapin na isailalim sa blended learning ang mga paaralan bunsod na rin ng matinding init ng panahon.
Ayon kay Estrada, walang humaharang sa mga lokal na pamahalaan at sa mga school head na bumalik sa blended o distance learning dahil mayroong umiiral na department order no. 44 para sa suspensyon o kanselasyon ng “in-person classes”.
Sinabi pa ng senador na maaaring gamitin ang naturang DepEd order na basehan ng mga Local Government Unit (LGU) at school officials para maiwasan ang pertussis outbreak sa mga paaralan.
Maaari rin aniyang gamitin ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kaparehong measure sa class suspension.
Giit ni Estrada, mas dapat na isaalang-alang ngayon ang kapakanan ng mga estudyante lalo’t mahirap tumutok sa pag-aaral sa gitna ng napakainit na panahon.