Inanunsyo ng Bureau of Immigrations (BI) na magpapatupad na sila ng maluwag na departure restrictions para sa mga Pilipino simula sa Miyerkules, October 21.
Ito ay kasunod ng ibinabang resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung saan pinapayagan na ang non-essential outbound travel abroad para sa mga Pilipino.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, pinapayagan nang makaalis papunta ng ibang bansa ang mga Pilipino pero naaayon pa rin sa mga panuntunan ng IATF.
“Outbound tourism is now allowed for Filipinos, subject to compliance with protocols set by the IATF,” sabi ni Morente.
Dagdag pa ni Morente, nananatiling nakalatag ang inbound restrictions at naghihintay sila sa anumang pagbabago sa polisiya mula sa IATF at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng IATF Resolution No. 79, ang mga outbound Filipinos ay kailangang magpakita ng round trip ticket, health at travel insurance at negative antigen result sa loob ng 24 oras bago ang departure.
Kailangan din nilang maglabas ng RT-PCR negative test results kung hihingin ito ng bansang kanilang pupuntahan.
Ang mga paalis na Pinoy ay kailangan ding lumagda ng deklarasyon na alam nila ang panganib ng kanilang biyahe.