DepEd, aminadong hirap sa pagpapatupad ng blended learning; Aberya sa internet at pamamahagi ng modules, tiniyak na tinutugunan

Aminado ang Department of Education (DepEd) na hindi naging perpekto ang opisyal na pagbubukas ng klase kahapon.

Ito ay sa harap na rin ng ilang maliliit na aberyang naranasan sa pagsisimula ng klase gaya ng mabagal at paputol-putol na internet connection.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DepEd Usec. Alain Pascua na talagang hamon ang pagbibigay ng edukasyon ngayon sa gitna ng pandemya dahil na rin sa iba’t ibang sitwasyon ng mga guro at estudyante.


Gayunman, sinisikap naman aniya ng ahensya na tugunan ang mga problema.

Paglilinaw ni Pascua, hindi ipinipilit ng ahensya ang online learning dahil may mga opsyon naman para sa mga walang access sa internet gaya ng DepEd TV, DepEd radio at self-learning modules.

“Kung wala lahat ang mga teknolohiya, nandyan pa rin po yung mga self-learning module na dinadala sa bahay ng mga bata. Kaya po iba’t iba pong module ang ginagawa natin, iba’t ibang paraan dahil iba’t iba ho ang sitwasyon din ng ating mga tahanan. Kaya po hirap talaga itong pagbibigay natin ng edukasyon ngayon,” ani Pascua.

“Sa loob ng mga ilang araw, makikita na lahat nung mga limitasyon, mga shortcomings at on a daily basis, sinasagot at inaayos din natin ‘yung mga sigalot na ito,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon pa kay Pascua, bukas ang DepEd sa posibilidad na magkaroon ng face-to-face learning sa mga lugar na walang kaso o mababa ang risk ng COVID-19.

Gayunman, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte at Ang Inter-Agency Task Force na aniya ang nag-utos na wala munang face-to-face learning hangga’t walang bakuna.

Facebook Comments