Bumuo ng task force ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Education (DepEd) upang paghandaan ang sistema ng pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng face-to-face classes ng mga paaralan sa bansa.
Ito ay kasunod ng isinagawang pagpupulong ni DOTr Secretary Jaime Bautista at ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kahapon, upang talakayin ang pagsasaayos ng sistema ng pagco-commute.
Itinalaga bilang co-chairman ng task force sina DepEd Usec. Epimaco Densing III at DOTr Usec. for Road Steven Pastor.
Sa nasabing pagpupulong, inirekomenda kay Bautista ang pag-authorize sa public utility vehicles (PUV) na mag-deploy ng 90 hanggang 100 posyentong units tuwing peak o rush hours.
Pinabubuksan din ang karagdagang ruta, partikular ang pagbabalik ng city bus routes, na hindi lamang sa EDSA bago mag-pandemya.
Bukod dito, isinusulong din ang libreng sakay sa railway at EDSA Bus Carousel para sa mga estudyante at palalawigin sa dalawang taon ang life span ng mga school services lalo na ang mga maaabot na ang maximum limit na 15 taon ngayong Disyembre.
Samantala, pabibilisin naman ang pagsusuri sa pasahe at ebalwasyon ng non-operational routes.