Pinapakilos ni Committee on Education Chairman Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) para makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) para palakasin ang mga programa sa pagbabasa ng mga mag-aaral.
Pahayag ito ni Gatchalian, makaraang lumabas sa mga pre-test ng Philippine Informal Reading Inventory 2019 (Phil-IRI) na may malaking bilang ng mga mag-aaral mula grade 3 hanggang grade 6 sa Bicol ang nahihirapan pa ring bumasa ng Filipino at English.
Ayon kay Gatchalian, dapat gamitin ang mga resulta ng Phil-IRI upang magabayan ang programang ilalatag ng mga paaralan at LGUs.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang programang inilunsad noong 2014 sa Valenzuela na tinawag nilang “Summer Reading Camp” kung saan isang buwan na tuturuang bumasa ang mga hindi pa nakakapagbasang mag-aaral sa lungsod.
Sabi ni Gatchalian, inilunsad sa Valenzuela ang nabanggit na programa makaraang lumabas sa resulta ng Phil-IRI noon na mahigit walumpung porsyento ng mga mag-aaral sa lungsod ang nahihirapang bumasa.