DepEd at regional offices, nilatag ang kanilang typhoon post-recovery efforts matapos ang paghagupit ng nagdaang bagyo

Pinaigting ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga hakbang sa rehabilitasyon at learning continuity matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino at Super Typhoon Uwan.

Kung saan binanggit ng kagawaran na naka-focus ang kanilang rehabilitasyon sa pagpapatayo ng upgraded temporary learning spaces sa mga paaralang may major damage o tuluyang nawasak ng bagyo.

Bukod dito, nakatuon din ang DepEd sa pagpapalawak ng ADM training para sa mga guro at pagpapalakas ng ugnayan at reporting systems sa mga lokal na pamahalaan.

Sa Puerto Princesa City, itinampok naman sa DepEd Management Committee Meeting kung paano naghanda ang mga regional offices bago pa man tumama ang bagyo at papaano rin nila napanatili ang pag-aaral lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng kalamidad.

Habang binisita at ininspeksyon naman ni Education Secretary Sonny Angara ang Carayan-Naga Elementary School sa Bicol kasama si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ani Angara na hindi sila titigil sa pag-sasaayos ng mga paaralan, sa pagbibigay ng alternatibong paraan ng pag-aaral, at sa karapatan ng mga bata na magkaroon ng ligtas at mabilis na edukasyon.

Lumabas sa ulat na ang Region V ay pinakamatinding naapektuhan ng bagyo kung saan 807 na paaralan ang nasira na nakaapekto sa mahigit limang libong silid-aralan.

Facebook Comments