DepEd, binalaan ang publiko hinggil sa ilang indibidwal na humihingi ng donasyon gamit ang pangalan ng kanilang mga opisyal

Binalaan ngayon ng Department of Education o DepEd ang publiko hinggil sa ilang indibidwal na ginagamit ang pangalan ng mga opisyal sa paghihingi ng pinansiyal na tulong.

Sa inilabas na pahayag ng DepEd, mismong ang pangalan ni Education Secretary Leonor Briones ang ginagamit ng mga ito kung saan nanghihingi sila ng pera bilang donasyon.

Nabatid pa na nagpapakilala ang mga ito bilang staff ng Office of the Secretary at kanilang tinatarget ang mga suppliers at contractor ng DepEd.


Muling iginiit ng DepEd na wala silang inaatasan na kanilang mga tauhan para magsagawa ng ganitong uri ng aktibidad lalo na’t ginagamit ang pangalan ng kanilang mga opisyal.

Sakali naman makasalimuha ng ganitong uri ng iligal na gawain, agad na isumbong sa DepEd Central Office o kaya ay tumawag sa DepEd Public Assistance and Action Center sa numerong 8636-1663 at 8633-1942 o kaya ay magpadala ng email sa action@deped.gov.ph.

Facebook Comments