Manila, Philippines – Bagamat pinaplantsa pa, kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na bubuo sila ng kumite na siyang tututok sa pagsasagawa ng random drug test sa mga high school students sa mga pampublikong paaralan.
Maliban ditto, ayon kay DepEd Asec. Tonisito Umali, makikipag-ugnayan din sila sa Department of Health (DOH) dahil ang pagkalat ng droga sa mga paaralan ay isang usaping pangkalusugan.
Sinabi pa ni Umali na habang pinaplantsa pa ang mga detalye sa pagpapatupad ng random drug test, siniguro naman nito na maipapatupad ang nasabing programa ngayong school year 2017-2018 alinsunod narin sa DepEd order na inilabas ni Sec Leonor Briones.
Damay sa random drug test ang mga guro at mga DepEd personnel.
Samantala, paliwanag ng opisyal na kaya nila isasailalim sa drug test ang mga estudyante ay hindi upang sila ay ipahiya o sipain sa eskwelahan bagkus para sila’y ituwid at malaman ng kagawaran kung ano ang mga ilalatag na programa para sa mga batang naliligaw ng landas.