Umaasa pa rin ang Department of Education (DepEd) na maipatutupad nila ang limited face-to-face classes sa darating na School Year 2021-2022.
Ito sa kabila ng panibagong banta ng COVID-19 sa bansa dahil sa Delta variant.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na bukas pa rin sila sa posibilidad na magsagawa ng dry run ng face-to-face classes partikular sa mga lugar na matagumpay na napigilan ang pagkalat ng sakit.
Pero habang wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte ukol dito, blended learning pa rin ang paiiralin sa susunod na pasukan.
“Nakikita po natin, lalong-lalo na sa first quarter, dahil sa delta variant, most likely, blended distance learning po tayo,” ani San Antonio.
“Ang ginagawa po natin ay siguruhin na ‘yung mga karanasan natin nung nakalipas na taon ay nire-review po natin, ‘yung mga bagay na kailangang ayusin ay aayusin lalo na po ‘yung mga naging viral na mali sa ating learning modules para hindi na ito maulit,” dagdag niya.
Umaasa naman si San Antonio na mabibigyang-pansin ng pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) mamaya ang ‘Sulong Edukalidad’ na ginagawa ng kagawaran para mapataas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.