Iginiit ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa Department of Education (DepEd) na ilaan na lang sa mental health programs at pagpapatupad ng full face-to-face classes ang 150-million pesos na confidential funds nito.
Hirit ito ni Manuel, makaraang lumabas sa budget hearing ng House committee on appropriations na PHP 160 million ang pondo ng DepEd para sa mental health programs at pagpapahusay ng guidance counseling programs at iba pang programa para sa mga kabataan.
Dismayado si Manuel na mas mataas pa dito ang pinagsamang confidential at intelliegence funds ng DepEd at office of the vice president.
Nakaalarma para kay Manuel na mas maliit ang pondo para tugunan mental health problems sa kabataan na syang sanhi ng tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay sa mga estudyante ng basic education.
Binanggit din ni Manuel na mas dapat iprayoridad ng DepEd ang mahusay na pagpapatupad ng face to face classes lalo’t umaabot na sa 28.4 million ang mga estudyanteng naka-enroll sa buong bansa.