DepEd, dapat bumuo ng panel of experts na mag-aaral sa pilot test ng face-to-face classes

Pinapabuo ni Committee on Basic Education Chairman Senator Win Gatchalian ang Department of Education ng sarili nitong “panel of experts” na magsisilbing gabay sa pagsasagawa ng panukalang pilot test para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa low-risk areas.

Ayon kay Gatchalian, ang pangkalahatang sitwasyong pangkalusugan ang tinututukan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Kaya sabi ni Gatchalian, ang panel ng mga eksperto sa ilalim ng DepEd ang maaaring sumuri sa pilot testing program ng face-to-face classes gamit ang mas angkop na kaalaman, lalo na’t magkakaiba ang sitwasyong kinakaharap ng mga paaralan.


Paliwanag ni Gatchalian, ang kanselasyon ng face-to-face classes ay magandang paraan para mapag-aralan ang maaaring gawin upang maibsan ang matinding pinsala ng COVID-19 sa ating mga mag-aaral.

Tinukoy rin ni Gatchalian ang ibinahagi ng Philippine Pediatric Society na resulta ng pag-aaral ng 191 bansa, na walang ugnayang nakita sa kalagayan ng mga paaralan sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa komunidad.

Ayon kay Gatchalian, maaring maging mas malalim at mas matagal ang pinsalang dulot ng pagsasara ng mga paaralan tulad ng patuloy na pangungulelat ng ating mga mag-aaral sa mga international large-scale assessments at mababa na rin ang kanilang national achievement scores.

Facebook Comments