Pinaglalatag ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Education (DepEd) ng action plan para sa blended learning na titiyak sa pagpapatuloy ng edukasyon sa bansa sa gitna ng pandemic.
Ayon kay Go, mahalagang may action plan ang DepEd para sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa August 24, 2020 sa harap ng kawalan pa rin ng access sa internet ng mga estudyante sa ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito ay hinikayat din ni Go ang iba pang concerned agencies na magtulungan para mabigyan ng alternatibo at remote learning methods ang mga mag-aaral na walang internet connection.
Iginiit ni Go na sa planong blended learning ng DepEd, ay dapat masiguro na hindi lamang online learning ang focus nito kundi pati na rin ang ibang modalities na hindi nangangailangan ng internet connection.
Una nang inirekomenda ni Go ang paggamit ng iba’t ibang teknolohiya at available na media tulad ng telebisyon at radyo para sa pag-aaral ng mga estudyante nang hindi kailangang magtungo sa mga eskuwelahan.
Binanggit din ni Go ang isang global framework na binuo ng United Nations Children’s Fund; United Nations Educational Scientific at Cultural Organization at World Bank para masigurong makakarating ang edukasyon sa mga estudyante kahit sa mga lugar na walang internet.