Pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng “natural” o iba pang pamamaraan ng pag-disinfect ng printed modules bago ito ipamahagi sa mga estudyante.
Ito ay kasunod ng babala ng Department of Health (DOH) laban sa paggamit ng Ultraviolet (UV) light sa pag-sanitize ng mga bagay.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, mayroon pang ibang paraan sa paglilinis ng mga dokumento, kabilang na rito ang “sun drying method” kung saan ibinibilad ang mga gamit sa ilalim ng sikat ng araw para ma-disinfect ang mga ito.
Iginiit ng kalihim na kailangang nasusunod ang minimum requirements ng DOH ang mga nagsasagawa ng disinfection.
Sinabi naman ni Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang pag-expose sa mga bagay sa ilalim ng araw ay maaring gawin para ma-disinfect ang mga printed Self Learning Modules (SLMs).
Aminado si San Antonio na ang 1:1 ratio o isang printed module kada isang estudyante ay malabo sa lahat ng rehiyon at school divisions dahil sa limitasyon ng kanilang resources.
Ang ilang eskwelahan ay magpapatupad ng “rotational” na paggamit ng printed modules para matiyak na nagagamit ito ng mga estudyante.