Kumpiyansa ang Department of Education na bago dumating ang Oktubre 5 ay naplantsa na ang mga gusot para sa School Year 2020-2021.
Ayon kay DepEd Undersecretary Revsee Escobedo, nakahanda nang ipamahagi ng kagawaran ang 57 percent ng mga learning module.
Aniya, puspusan na rin ang pagpi-print ng mga learning module ng bawat school divisions.
Sinabi pa ni Escobedo, na nagpapatuloy ngayon ang psychological activities para sa mga guro at staff ng mga paaralan bilang paghahanda sa pasukan.
Maliban dito, tuloy-tuloy rin aniya ang mga virtual orientation at kamustahan sa mga class adviser, gayundin sa mga magulang ng mga mag-aaral.
Base sa pinakahuling tala ng DepEd, umabot na sa 86.10 percent ang enrollment rate o katumbas ng 23.9 milyon na estudyante ang nakapag-enroll na sa pampubliko at pribadong paaralan, gayundin sa Alternative Learning System (ALS).