Tiniyak ng Department of Education na handang-handa na ang Kagawaran sakaling hindi inaasahang dumating ang banta ng “The Big One” sa Metro Manila.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Administration Alain Del Pascua, puspusan ang ginagawa nilang pagsasanay ng earthquake drill kaugnay pa rin ng selebrasyon ng National Disaster Resilience Month.
Paliwanag ni Pascua, katunayan ay nagsagawa sila ng forum kung saan nakatuon sila sa kahandaan ng Metro Manila sa magnitude 7.2 earthquake, na mas kilala sa tawag na “The Big One.” Kung saan si Joan Salcedo, Supervising Science Research Specialist ng Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), ay nagpaliwanag tungkol sa science of earthquakes, gayundin ang history ng major earthquakes sa Pilipinas.
Ipinaliwanag naman ni DOST-PHILVOCS Undersecretary ng Disater Risk Reduction and Climate Change Adaptation Renato Solidum Jr., na ang the “Big One” scenario ay hindi mahuhulaan kung kailangan darating kaya’t dapat aniyang paghandaan nang husto ng gobyerno at ipabatid din sa publiko na dapat laging handa kung ano ang nararapat nilang gawin sakaling hindi inaasahang dumating ito sa Metro Manila.
Giit ng opisyal, para lalong maging handa ang publiko ay naglunsad ang DepEd Disaster Risk Reduction and Management Services (DRRMS) ng DRRM jingle, na “Laging Handa,” na sinulat ng mga estudyante mula sa Capiz National High School noong 2017 nang magkaroon ng National DRRM Jingle Making Contest na inihanda naman ni Joey Ayala at Co Produced naman ng World Vision. Ang “Laging Handa” ay panawagan na maging Pro-Active sa pagtugon sa mga kalamidad sa pamamagitan ng paghahanda.