Iginiit ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na nakahanda silang tulungan ang mga gurong apektado ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito’y sa kabila na hindi ito kasama sa pondo ng DepEd ngayong taon.
Ayon kay DepEd Undersecretary Ann Sevilla, ginawa ang pondo ng kagawaran para sa taong 2020 at wala pa ang COVID-19.
Kaya naman, kusang nag-ambag-ambag ang ilang mga guro, opisyal, at iba pang mga kawani ng DepEd Central Office upang matustusan ang mga pangangailangan ng mga guro na tinamaan ng virus.
Kahit wala pang maibibigay na datos ang DepEd kung ilang mga guro ang mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni Sevilla na patuloy naman nilang minomonitor ang kalagayan ng mga guro sa buong bansa sa pamamagitan ng kanilang mga division at regional office.
Pagtitiyak niya na hindi naman pababayaan ng kagawaran ang mga guro na nagkasakit na dulot ng virus, pero dapat agad ipagbigay alam sa kanilang mga school heads para naman mabigyan sila ng tama at kaagarang tulong.
Sa ngayon, ang pwede lang kunin sa kasalukuyang budget ng ahensya ay ang mga pangangailangan para maipatupad ang minimum health standards kontra COVID-19.