Makikipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa mga barangay officials para matiyak na nasusunod ng mga estudyante ang social distancing sa labas ng classroom sa mga lugar na pinapayagang limitadong face-to-face classes.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, kailangang magtulungan ang barangay at komunidad para sa pagpapatupad ng mga programa ng ahensya.
Aminado si San Antonio, na may ilang estudyante ang hindi agad umuuwi sa kanilang bahay pagkatapos ng eskwela at hindi na nasusunod ang social distancing.
Ang face-to-face classes ay hiniling ng ilang lokal na pamahalaan at pamunuan ng mga paaralan sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.
Matatandaang ikinokonsidera ni Education Secretary Leonor Briones ang pagkakaroon ng limitadong face-to-face classes sa mga lugar na mayroong low-risk ng COVID-19 infection.
Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DepEd at Commission on Higher Education (CHED) na magsumite ng position papers sa posibilidad ng face-to-face classes sa mga lugar na mayroong low-risk ng COVID-19.
Sa August 24 ang simula ng klase para sa school year 2020-2021.