Patuloy pa rin ang pagkalampag ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa plano at polisiya para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Tinukoy ni Castro na puro lamang adjustment sa school calendar ang ginagawa ngayon ng ahensya pero hindi naman natutugunan nang maayos ang mga problema sa distance at blended learning.
Bukod dito, tikom din ang DepEd sa overtime work ng mga guro dulot ng pinahabang school year.
Iginiit ng kongresista, hindi naman robot ang mga guro.
Nagtiis na nga aniya ang mga guro sa kawalan ng sick leave benefits at gumawa ng sariling paraan gamit ang napakaliit na sweldo upang makaagapay sa blended distance learning, kinuhaan pa ang mga ito ng panahon na para dapat sa bakasyon pero wala namang sapat na kompensasyon para dito.
Kasabay nito ay kinukwestyon ni Castro kung anong mangyayari sa Proportional Vacation Pay (PVP) ng mga guro sa pinaikling bakasyon sakaling ituloy ang pasukan sa August 23.