DepEd, hinamon ng isang kongresista na tugunan ang mga problemang tinukoy ng mga magulang sa darating na pasukan

Hinamon ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Representative France Castro ang Department of Education (DepEd) na tugunan ang mga problemang tinukoy ng mga magulang sa planong pagpapatupad ng blended learning ngayong nalalapit na pasukan.

Lumalabas sa isinagawang survey nitong nakalipas na enrollment ng mga estudyante, na pangunahing concern ng 6.9 million ng mga magulang sa ilalim ng blended learning ang stable na internet connection, kawalan ng gagamiting gadgets o equipment para sa online classes at independent learning o self-study ng mga mag-aaral.

Hinihingian ngayon ni Castro ang DepEd ng kongkretong plano kaugnay sa resulta ng isinagawang survey kung saan pinangangambahan ng milyun-milyong mga magulang na makaapekto sa pagkatuto ng mga estudyante ang mga kakulangan sa bagong approach ng pagtuturo.


Giit ng kongresista, makikita sa survey na hindi nag-aakma at maraming problemang kakaharapin ang mga kabataan ngayong pasukan dahil sa malilimita ang access sa dekalidad na edukasyon.

Para kay Castro, nananatiling anti-poor pa rin ang blended learning scheme ng DepEd dahil nakadagdag pa ito sa bilang ng mga out-of-school youth mula sa mahihirap na sektor.

Sinita rin niya ang plano ng kagawaran na kumuha ng mga retiradong guro na hindi tama dahil mas madalas ang pagkakasakit at mas lantad na mahawaan ng COVID-19 ang mga matatandang guro ngayong may pandemya.

Facebook Comments