DepEd, hindi magdedeklara ng “academic freeze” sa kabila ng mga pinsalang idinulot ng sunod-sunod na bagyo

Walang balak ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng academic freeze.

Ito ang tugon ng kagawaran sa harap ng panawagan ng ilang grupo na magkaroon ng academic freeze o break dahil sa sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo sa bansa at sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Katwiran ni DepEd Usec. Tonisito Umali, wala ni isang bansa ang nagsuspende ng pagbubukas ng klase dahil sa pandemya.


Kung gagawin aniyang barometro ang ginagawa ng buong mundo patungkol sa edukasyon ng mag bata ay walang nagpatupad ng academic freeze dahil sa palagay nila ay ito ang tamang polisiya.

Sa halip, nagpatupad ang DepEd ng “academic ease” kung saan binibigyan ng flexible time ang mga mag-aaral na makapagsumite ng kanilang mga requirements.

Nabatid na mahigit 1,000 eskwelahan ang nasira dahil sa pagtama ng mga bagyo.

Samantala, dahil sa matinding pagbahang idinulot ng Bagyong Ulysses, higit isang buwang suspendido ang klase sa buong Marikina City.

Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, maaaring sa Enero 2021 na magbalik ang klase sa lungsod.

Layon nito na bigyang-daan ang rehabilitasyon sa Marikina.

Facebook Comments