DepEd, hindi na nagulat sa pangungulelat ng Pilipinas sa reading comprehension exam ng isang global survey

Inaasahan na ng Department of Education o DepEd ang resulta ng ginawang reading literacy assessment ng Inter-Government Group Organization for Economic Co-Operation and Development sa 79 bansa.

Sa resulta ng OECD mula sa dalawang oras na Programme for International Student Assessment (PISA) exam sa 600,000 15-anyos estudyante sa buong mundo noong 2018, nakakuha ng poorest o 340 puntos lang ang mga Pinoy na estudyante sa kanilang reading comprehension exam na mas mababa sa average na 487 puntos.

Pumangalawa rin sa huli ang Pilipinas sa larangan ng mathematics na may 353 points mula sa OECD average na 489 at science na 336 points mula sa average na 489 points.


Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary Atty. Nepomuceno Malaluan, sinabi nito na expected na nila na mababa ang makukuhang score ng mga Pinoy na estudyante dahil ito ang unang pagkakataon na sumali ang Pilipinas sa nasabing reading literacy assessment.

Ipinaliwanag ni Malaluan na magandang pagkakataon ito upang malaman kung anong mga bagay ang dapat ma-improve sa mga estudyanteng Pinoy lalo na at mga kilalang educators sa buong mundo ang gumagawa ng PISA exam.

Sa PISA exam, nanguna ang Beijing-Shanghai-Jiangsu-Zhejiang group mula China sa iskor na 555 sa pagbasa; 591 sa math; at 590 naman sa science.

Pumangalawa ang Singapore na sinundan naman ng Macao.

Sa ngayon ay pinaghahandaan na ng DepEd ang susunod na reading literacy assessment na itinakda sa 2021.

Facebook Comments