DepEd, hindi na rin hihingi ng confidential fund sa ilalim ng 2024 budget

Tulad ng naging desisyon ng Office of the Vice President (OVP), hindi na rin hihingi ng confidential fund ang Department of Education (DepEd) na pinamumunuan din ni Vice President Sara Duterte.

Nasa P150 million ang confidential fund na unang hinihingi ng DepEd sa Kongreso na ngayon ay kanila na ring binitawan.

Sa gitna ng pagtatanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa confidential fund, binasa ni Senator Pia Cayetano na siyang dumepensa sa DepEd budget, ang opisyal na pahayag mula kay VP at DepEd Sec. Duterte.


Nakasaad na hinihiling ng ahensya na ilipat na lang ang confidential fund sa national recovery program bunsod na rin ng inaasahang hindi magandang resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA) na lalabas ngayong Disyembre.

Ang nasabing programa ay para sa pagpapahusay pa ng pagtuturo sa mga bata ukol sa reading comprehension at mathematics.

Sinabi pa ni Cayetano na sa programang GASTPE o sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education na-realign ng Senate committee ang P150 million na para sana sa confidential fund ng ahensya.

Aabot sa P718 billion ang panukalang 2024 ng DepEd sa ilalim ng bersyon ng Senate Committee on Finance.

Facebook Comments