Hinikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga higher priority groups na magparehistro para sa bakuna kontra COVID-19 kasabay ng pagbibigay ng ‘go-signal’ sa pagbabakuna ng basic education frontliners.
Ayon sa DepEd Task Force COVID-19 (DTFC), maari ng magparehistro para sa bakuna ang lahat na parte ng higher priority groups bago ang rollout para sa mga indibidwal na kabilang sa A4 priority category.
Inaasahang masisimulan ang COVID-19 vaccination sa mga teaching at non-teaching personnel sa darating na June 2021 matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang apela ni DepEd Sec. Leonor Briones na itaas ang prioritization para sa mga guro at kawani mula category B1 hanggang A4.
Pinaalalahanan naman ng kalihim ang mga tauhan ng DepEd na magbase lamang sa mga opisyal na datos gaya ng Department of Health (DOH) website at social media accounts ng mga LGU para sa tamang impormasyon sa COVID-19 pandemya, bakuna, at programa para sa pagbabakuna.
Tiniyak din ng DepEd na makikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga LGU at kinauukulang ahensya para magtatag ang sariling database sa pagbabakuna.