Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong eskwelahan na isagawa na lamang ang kanilang end-of-school-year (EOSY) rites sa mga indoor venue.
Sa gitna ito ng nararanasang matinding init ng panahon bunsod ng El Niño.
Sa Memorandum 23-2024 na inilabas ng DepEd noong May 2, itinakda ang pagsasagawa ng EOSY rites mula May 29 hanggang 31, 2024.
Pinayuhan ng kagawaran ang mga public schools na gawin ang aktibidad sa loob ng silid-aralan na may maayos na bentilasyon o sa mga covered court para makaiwas sa matinding sikat ng araw.
Dapat ding iwasan na gawin ito sa oras na pinakamatindi ang init.
Samantala sa kaparehong memo, pinaalalahanan ng DepEd ang mga paaralan sa “no collection” policy sa paglulunsad ng graduation o moving-up ceremony.
Dapat umanong kunin ang gastos para rito sa maintenance and other operating expenses o MOOE ng mga public school.