DepEd, hiring ng assistant teachers

Naghahanap ang Department of Education (DepEd) ng para-teachers para tulungan ang mga estudyanteng mangangailangan ng suporta kasabay ng pagpapatupad ng distance learning.

Sa ngayon, karamihan sa mga nag-a-apply ay mula sa mga retiradong guro, mga gurong nawalan ng trabaho matapos magsuspinde ng operasyon ang ilang private schools, maging ang mga nawalan ng trabaho.

Sa “Handang Isip, Handa Bukas” press briefing, inilabas ng DepEd ang proposed guidelines sa pagha-hire ng assistant teachers o tatawaging “Learning Support Aides” o LSAs.


Ayon kay Education Undersecretary for Planning Jesus Mateo, ang mga LSA ay mga kwalipikadong indibidwal na maaaring tumulong sa mga guro sa pagbibigay ng learning opportunities sa pamamagitan ng iba’t ibang learning modalities na nagpo-promote ng achievement at progression sa mga estudyante.

“They are expected to guide learners and households on the chosen learning delivery modalities, render assistance to the teacher in the lesson preparation and delivery, and monitor and track learners’ progress and achievement,” paliwanag ni Mateo.

Paglilinaw ni Mateo na hindi requirement para sa mga LSA applicants ang training, experience at eligibility pero kailangang graduate sila ng Senior High School at nakapagtapos ng dalawang taon sa Kolehiyo.

Kailangang may edad ang mga ito na nasa 21 taong gulang at hindi lalagpas sa 59 taong gulang at nakatira sa mga komunidad kung saan matatagpuan ang eskwelahang papasukan para maiwasan ang transmission ng COVID-19.

Ang mga papasang applicants ay makakatanggap ng ₱6,000 hanggang ₱11,000 bilang buwanang sahod depende sa minimum daily wage rates na itinakda ng National Wages Productivity Commission kada rehiyon.

Facebook Comments