Umapela ang Department of Education (DepEd) sa Senado na bigyan sila ng dagdag na pondo upang matugunan ang malaking kakulangan sa mga silid-aralan ngayong nagbukas na ang klase sa mga paaralan.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Education, sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na ₱86.5 billion ang hiniling na pondo ng ahensya na kailangan para sa pagtatayo ng mga classrooms sa buong bansa.
Pero ang unang iniutos ng Department of Budget and Management (DBM) sa DepEd ay ang hingian lang ng budget ang mga nasa 5th at 6th class municipalities o maliliit na bayan lang ang pondohan.
Sinabi ni Sevilla na para sa 2023 national budget, ₱5.9 billion lamang ang ibinigay sa kanilang ahensya para sa mga bagong silid-aralan at ₱2 billion naman para sa Quick Response Fund (QRF).
Katunayan aniya, ₱40 billion ang kailangan para maipagawa ang mga eskwelahan na sinira ng kalamidad at ₱4 billion naman sa QRF at dahil maliit ang pondo ay hindi magiging quick o mabilis ang pagtugon sa pagsasaayos sa mga nasirang paaralan dulot ng kalamidad.