DepEd, humingi ng pang-unawa sa mga pagkakamali sa learning modules kasabay ang katiyakan na inaaksyunan nila ito

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ay humingi ng pang-unawa ang Department of Education (DepEd) sa publiko kaugnay sa mga pagkakamali sa learning modules na ginagamit ngayon sa online classes.

Sa hearing ay inamin ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na nagkaroon sila ng pagkukulang at limitasyon sa pagtiyak ng kalidad ng mga learning modules.

Paliwanag ni Malaluan, ito ay dahil sa dami ng kanilang trabaho at limitadong panahon sa paghahanda para sa bagong sistema ng pagtuturo ngayong may pandemya.


Nilinaw naman ni Malaluan, na ilan sa mga pagkakamali sa learning modules na kumalat sa social media ay fake o pinagmukha lang mali.

Tiniyak naman ni Malaluan na bilang solusyon ay kumikilos na ang DepEd internal units na kinabibilangan ng mga guro at master teachers at nakikipagpulong na rin sila sa mga pribadong publishing company para sa pagbuo at sa produksyon ng learning modules.

Sa Senate hearing ay inihayag din ng DepEd ang pagpapalabas ng memorandum na nagpapahintulot sa mga guro na luwagan o magpatupad ng adjustments para sa mga estudyanteng nahihirapang sagutan ang mga modules.

Ito ay kasunod ng obserbasyon ng DepEd regional directors na may mga mag-aaral ang bigong masagutan ng kumpleto ang kanilang mga self-learning modules.

Facebook Comments