Muling inulan ng batikos ang Department of Education (DepEd) lalo na sa social media dahil sa maling solution sa isang Math problem na ipinakita sa DepEd TV na inere sa IBC 13 noong October 6.
Batay sa math equation, para makuha ang value ng ‘x,’ kailangang i-divide ang mga ito sa 0 (zero), pero ang tamang sagot ay tamang sagot ay kailangang i-divide ito sa 2.
Anumang numero na idi-divide sa zero ay maglalabas ng undefined answer.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, humihingi sila ng paumanhin sa mga mag-aaral, sa mga magulang at sa mga guro sa nasabing pagkakamali.
Sinabi ni Pascua na hihigpitan na nila ang Quality Assurance para maging perpekto ang bawat episodes ng DepEd TV.
Aminado si Pascua na may error sa Episode #2 ng Mathematics 9 at nakalusot ito sa Quality Assurance.
Pagtitiyak ni Pascua na ang video episode ay itatama kapag in-upload na ito sa DepEd Commons at DepEd YouTube Channel kung saan ipapakita ang tamang paraan sa pag-solve ng math problem.
Umapela rin ang kagawaran sa publiko na kahit maaaring mayroon pang ilang errors sa ilang episodes ng DepEd TV, umaasa sila na ang talento at sakripisyo ng mga teacher-broadcasters, production team at ng buong DepEd TV, DepEd Commons, DepEd YouTube Channel Teams ay patuloy na kikilalanin.
Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng error sa episodes ng DepEd, kung matatandaan na sa kanilang test broadcast noong August 11 hanggang 21, napansin din ng mga netizens mula sa isang episode na grammatical at typographical errors.
Nabatid na ang TV-based learning ay isa sa mga alternative learning delivery modalities sa ilalim ng blended o distance learning.