Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na walang mali sa pangongolekta nila ng impormasyon hinggil sa mga miyembro ng dalawang teacher organizations.
Ito ay kasunod ng batikos mula sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) at Teachers’ Dignity Coalition, na kinukwestyon ang direktiba ng ahensya na gumawa ng imbentaryo para sa mga nasabing organisasyon.
Para sa ACT, isang “bad faith” ang hakbang ng kagawaran dahil patuloy nilang hindi pinapansin ang kanilang hiling na dayalogo sa kabila ng pagiging accredited union sa 12 rehiyon.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, legal ito at kailangan para sa anumang negosasyon sa ahensya.
Wala aniyang diskriminasyon na nangyayari.
Ang mga organisasyon na nakikipag-ugnayan sa DepEd ay kailangang sumunod sa requirements kabilang ang pagpapasa ng pangalan ng mga officer at miyembro.
Ang ilang organisasyon na binubuo ng non-teaching personnel ay nakapagsumite na ng listahan ng officers at mga miyembro.
Pagtitiyak naman ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa mga guro na protektado ang personal data ng mga guro.
Nilinaw rin ni Malaluan na walang individual profiling na nangyayari.