DepEd, iginiit na hindi naging “insensitive” sa pagbili ng higit 200 sasakyan sa gitna ng COVID-19 pandemic; DepEd Usec. Alain Pascua, magre-resign kapag napatunayang overpriced ang proyekto

Photo Courtesy: Mitsubishi Motors

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi ito naging “insensitive” sa pagbili ng mahigit 200 sasakyan para sa kanilang mga engineers sa kabila ng kinahaharap na problema ng bansa bunsod ng COVID-19.

Kasunod ito ng batikos ng Alliance of Concerned Teacher (ACT) sa DepEd sa anila’y paggawa nito ng sariling “Dolomite scam” dahil sa pagbili ng mamahaling Strada vehicles.

Paliwanag ni DepEd Undersecretary for Administration Alain Pascua, hindi ito maaaring ikumpara sa dolomite issue dahil matagal nang aprubado ang proyekto pero kamakailan lamang nabili ang mga sasakyan dahil sa tagal ng procurement process.


Katunayan aniya, nagagamit ngayon ang mga sasakyan sa disaster response at pamamahagi ng module.

“Noong isang taon pa ‘yan lumabas kaya hindi ‘yan part ng pandemic kaya hindi kami insensitive. Alam namin ang nangyayari. Kung ngayon lang lumabas ang pondo hindi naman ‘yan ibibili ng vehicle. Pero kahit ganon pa man, ngayong panahon ng pandemic, ngayong panahon ng kalamidad e ginagamit ‘yan sa emergency at rescue operations,” ani Pascua sa panayam ng RMN Manila.

Nanindigan din si Pascua na legal at hindi overpriced ang mga sasakyan.

Aniya, handa siyang magbitiw sa pwesto oras na mapatunayang overpriced ang proyekto.

“Kahit na ho i-check niyo sa COA, e hindi ito dolomite, ito ay serbisyong bayan. Tingnan niyo sa internet, pumunta kayo doon sa lahat ng supplier, hindi ‘yan overpriced, mababa ang presyong nakuha namin. I-prove niyo sa aking overpriced ‘yan, magre-resign ako,” paghamon pa ng opisyal.

Facebook Comments