Inihayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na mahalaga ang Learner Enrollment and Survey Form (LESF) na ang pangunahing kagamitan o enrollment tool sa isinagawang Remote at Dropbox Enrollment para sa School Year 2020-2021.
Ito ay ang mas pinalawig na gamit sa Regular Enrollment Form upang makuha hindi lamang ang basic profile ng learners kundi maging ang mga mahahalagang survey questions para sa mga magulang tungkol sa kanilang kahandaan para sa distance education.
Paliwanag ng DepEd, sa paggamit ng LESF ay nakuha ang mahahalagang impormasyon na magsisilbing basehan ng DepEd para sa implementasyon ng Learning Continuity Plan (LCP) gaya ng Employment Status ng mga magulang o guardian, paraan ng pagpunta sa paaralan, bilang ng mag-aaral sa bahay, presensya ng kapamilya o kasama sa bahay na gagabay sa distance learning, pagkakaroon ng gadgets o devices, access sa internet, preferred o mas pabor na pamamaraan sa pag-aaral, hamon o suliranin na makaaapekto sa distance learning, at bilang ng mga mag-aaral sa pribadong paaralan na lumipat sa pampublikong paaralan.
Giit ng Kagawaran na ang mga datos at impormasyon ay ginamit ng bawat Regional at Schools Division Office at mga Paaralan sa pagdisenyo ng kanilang sariling Learning Continuity Plan partikular sa pagpili ng ipatutupad na learning modalities.
Ang mga datos anila ay ginamit din upang tukuyin ang budget requirements para sa LCP lalo na sa paggawa ng learning resources.