DepEd, iginiit na walang diskriminasyon sa mga bakunado sa pagbubukas ng klase

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na walang magiging diskriminasyon sa mga bakunado at hindi bakunado sa COVID-19 sa pagbubukas ng klase ngayon.

Sa pulong balitaan sa DepEd, sinabi ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa na papayagang makapagturo ang mga hindi bakunadong guro at papayagan ding makapasok ang mga mag-aaral na hindi bakunado.

Paliwanag ni Poa, batid niya ang mga agam-agam sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa pagbubukas ng klase pero kanila na itong pinaghahandaan.


Kaugnay nito, sinabi ni Poa na puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) para sa mas maigting na pagbabakuna at kasama sa kanilang plano ang pagkakaroon ng mobile vaccination.

Samantala, iniulat naman ni Poa na umabot na sa 18.6 million na mga mag-aaral ang nagpatala para sa School Year 2022-2023 kung saan 60% ito ng kanilang 28.6 million na target na mag-enrol ngayong taon.

Facebook Comments