DepEd, ikinalungkot ang nangyari sa isang grade 7 student na namatay nang barilin sa loob ng classroom

Ikinalungkot ng Department of Education o DepEd ang nangyaring pamamaril sa isang grade 7 student sa loob mismo ng classroom sa Castor Alviar National High School sa Calamba City.

Ayon kay Education Undersecretary Annalyn Sevilla, bagamat oras ng pasukan nang mangyari ang insidente, wala raw dapat ipangamba ang mga estudyante at magulang dahil isolated case lamang daw ito.

Iginiit ni Sevilla na may mga protocol din daw na sinusunod ang DepEd hinggil sa mga ganitong sitwasyon at inaalam na nila kung bakit walang security personnel sa naturang eskwelahan.


Handa naman ang pamunuan ng eskwelahan na magpaabot ng tulong sa pamilya ng biktimang si Mark Anthony Miranda na nasawi habang ginagamot sa ospital.

Matatandaan sa imbestigasyon ng PNP-Calamba na sumabay ang suspek na si Renan Valderama sa mga construction workers papasok ng eskwelahan at hinanap ang biktima saka pinagbabaril bago tumakas.

Napag-alaman na una nang inireklamo ng biktima ang suspek ng pang-aabuso kung saan inamin din ng lola ng estudyante na nagkaroon ng relasyon ang dalawa.

Facebook Comments