Ikinalugod ng Department of Education (DepEd) ang kinalabasan ng unang linggo ng pagbubukas ng klase para sa SY 2021-2022.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nasa higit 27.5 milyon ang mga mag-aaral ang nag-enroll ngayong taon.
Mas mataas aniya ito kumpara sa higit 26.2 million enrollees noong nakalipas na taon.
Ayon sa kalihim, kahit mas maraming hamon ang hinaharap ng sektor ng edukasyon sa kasalukuyan, natutuwa sila dahil mas maraming mag-aaral pa rin ang nag-enroll.
Nangangahulugan lamang aniya ito na umubra ang mga preparasyong ginawa ng pamahalaan at nagtitiwala pa rin ang publiko sa DepEd.
Bukod dito, sinasalamin din aniya nito na nananatiling mahalaga ang edukasyon sa kultura ng mga Pilipino, at nariyan pa rin ang suporta ng mga magulang at komunidad sa mga estudyante.