DepEd, ikinukunsidera ang face-to-face classes sa mga lugar na low-risk sa COVID-19 transmission

Ikinukunsidera ng Department of Education (DepEd) ang pagpayag sa limitadong face-to-face classes sa mga lugar na low-risk sa COVID-19 transmission.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, bunsod ito ng iba’t ibang kahilingan na payagan pa rin ang pagpasok ng mga estudyante sa eskwela pero bukod sa limitado ay sa mga piling lugar lamang ang papayagan.

Nagbigay naman ng ilang kondisyon at guidelines si National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. kaugnay sa limited face-to-face learning sa mga paaralan.


Isa na rito ang paglalagay ng mga dormitoryo kung saan mananatili ng ilang buwan ang mga estudyante at isasailalim sila sa RT-PCR test bago papasukin at kung lalabas, panibagong test pagbalik.

Dagdag pa ni Galvez, dapat ding magkaroon ng re-engineering sa mga paaralan para sa isang entry gate at isang hiwalay na exit gate para hindi magkakasalubungan ang mga bata.

Samantala, tiniyak naman ni DepEd Undersecretary Revsee A. Escobedo na tatanggap pa rin ang mga paaralan ng mga late enrollees hanggang sa Agosto matapos na pitong milyong mag-aaral ang hindi pa nakakapag-enroll.

Pinaka-tinitingnang dahilan ngayon ng ahensya tungkol dito ang epekto ng COVID-19 sa mga mag-aaral at sa kanilang mga pamilya.

Facebook Comments