Inatasan ni Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred delos Santos ang Department of Education (DepEd) na maging transparent sa pagrereport ng COVID-19 cases sa hanay ng mga guro.
Ginawa ng Kongresista ang reaksyon kasunod ng mga pag-aaral at survey na lumabas na 50% ng mga guro ang inoobliga na ‘physically’ mag-report sa kanilang mga trabaho sa kabila ng tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at kawalan ng safety measures para sa mga public school teacher.
Hiniling ni delos Santos sa DepEd na paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga guro na hindi mahawaan ng sakit kasunod ng nakatakdang pagsisimula ng klase ngayong buwan sa ilalim ng blended learning.
Hinihingian din ng Kongresista ang ahensya ng malinaw at kongkretong plano para tugunan at maprotektahan ang mga guro sa gitna ng pandemya.
Umaalma ang Kongresista na hindi puwedeng magbukas ng klase kung kulang ang bilang ng mga guro dahil nagkakasakit at hindi rin basta na lamang kukuha ng volunteers na walang proteksyon at dagdag na benepisyong ibinibigay.
Tinukoy ng mambabatas ang nakalap na report ng ACT-TEACHERS na mahigit 40 mga guro na ang nahawaan ng impeksyon na COVID-19.