Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na hindi na nila papayagan ang mga guro na magmonitor sa mga mag-aaral na tumatanggap ng cash aid sa ilalim ng
Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa liham na ipinadala ng DepEd sa DSWD ay ipinaalam ni Education Undersecretary at chief-of-staff Epimaco Densing III kay DSWD Secretary Erwin Tulfo ang naturang desisyon ng ahensya matapos matukoy na ang mga guro ay inatasan na magmonitor at bumuo ng mga ulat para sa 4Ps sa mga paaralan.
Dagdag ni Densing, layon ito na bawasan ang administrative tasks ng mga guro.
Sinabi pa ni Densing kay Tulfo na ang nasabing gawain ay parte ng trabaho ng mga tauhan nito.
Paliwanag pa ni Densing na nakasaad sa Republic Act Number 11310 o 4Ps Act ay walang mandato ang mga tauhan ng DepEd na subaybayan at gawin ang mga ulat hinggil sa nasabing programa.
Kasunod nito, ikinatuwa naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagtulak ng DepEd na tanggalin ang gawain ng mga guro sa 4Ps.