Aminado ang Department of Education (DepEd) na wala silang budget na nakalaan para sa pampagamot at pampa-ospital sa mga guro at iba pang kawani nito sakaling tamaan sila ng COVID-19.
Sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla, nag-ambagan naman ang mga empleyado ng DepEd para magkaroon ng pondo o “internal budget” bilang pang-alalay sakaling isa sa mga empleyado ang magkaroon ng COVID-19.
Paliwanag ni Sevilla, wala raw kasi sa budget ng pamahalaan ang gamutan para sa COVID-19, ang napaglaanan lang ay ang pagbili ng mga suplay na kailangan para mapatupad ang minimum health standards.
Nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan para mai-refer nang maayos ang mga kawani nilang tatamaan ng COVID-19.
Nauna nang sinabi ng DepEd na maaaring gamitin ng mga kawani nila ang PhilHealth benefits para magpagamot ng COVID-19.