Inirekomenda na ng Department of Education (DepEd) na simula sa School Year 2026-2027 ay ibabalik na ang dating school calendar sa mga paaralan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni DepEd Asec. Francis Cesar Bringas na resulta ito ng konsultasyon sa iba’t ibang mga stakeholders na muling ibalik sa dating school calendar ang mga paaralan kung saan kalagitnaan ng Hunyo at katapusan ng Marso ang pasukan habang April at May ang bakasyon sa mga paaralan na panahon naman ng matinding tag-init.
Para maging posible ito ay sinabi ni Bringas na mula sa panukalang limang taon ay binawasan nila sa dalawang school years ang agad na pagbabalik sa dating school calendar.
Bilang tugon naman sa panawagan ng marami na madaliin ang pagbabalik sa dating school calendar, sinabi ni Bringas na nagsumite na sila ng proposal sa Office of the President kung saan iprinisinta nila sa pangulo ang ibang mga options para sa mas agresibong alternatibo para tapusin ang SY 2024-2025.
Nilinaw ng DepEd na hindi dahil sa klima o panahon ang pagbabalik sa dating school calendar dahil mayroon naman silang standing policy na gumamit ng alternative delivery modes (ADMs), kun’di ito ay preference ng nakararami batay sa survey at dahil na rin sa malaking economic impact ng summer breaks sa turismo kapag nakabakasyon ang mga estudyante.