Iniurong ng Department of Education (DepEd) sa October 5, 2020 mula sa August 24 ang pagbubukas ng klase para sa School Year (SY) 2020-2021.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinumite nilang rekomendasyon noong August 6 na iurong ang class opening dahil na rin sa epekto ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Aniya, wala pa ring magaganap na face-to-face learning sa kabila ng pag-urong ng school opening.
Sinabi naman ni Briones na hindi pipigilan ng kagawaran ang klase ng mga pribadong paaralan sa August 24 na handa na sa blended learning basta’t makakasunod ang mga ito sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Habang ang mga international school naman ay kailangang sumunod sa protocol ng kanilang host country.
Tiniyak naman ni Briones na ang nalalabing panahon na wala pang klase ay gagamitin ng DepEd para paghandaan pa ang logistical limitations lalo na sa mga lugar na isinailalim sa MECQ.
Inatasan din nito ang mga paaralan sa mga lugar na wala na sa MECQ na ituloy ang mga orientations, dry runs, at paghahatid ng learning resources para matiyak na handa na sila pagdating ng October 5.