Nasa kamay na ng Department of Health (DOH) kung anong mga paaralan sa Metro Manila ang maaaring i-convert bilang isolation o quarantine facility.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, hindi kasi lahat ng paaralan ay akma o angkop para maging isolation facility.
Paliwanag nito, mayroong standards na dapat sundin sa pagko-convert ng paaralan para maging isang quarantine facility.
Ilan aniya rito ay hindi dapat crowded o malayo sa komunidad, mayroong maayos na suplay ng tubig, malapit sa health care faciltiy o ospital at dapat malaki ang paaralan.
Una nang sinabi ng Palasyo na 50% ng mga pampublikong paaralan sa Metro Manila ay na-convert na bilang temporary quarantine facilities.
Game changer na maituturing ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang nasabing hakbang dahil maraming may mild symptoms ng COVID-19 at mga asymptomatic ang pwedeng dalhin sa mga nai-convert na paaralan bilang quarantine facilities.
Sa pagtaya ng DepEd, nasa higit 17,000 classrooms o katumbas ng nasa 80,000 bed capacities ang nai-convert bilang mga isolation facilities.