DepEd, ipinauubaya na sa mga eskwelahan ang make-up classes sa ilalim ng distance learning

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga lokal na opisina nito at sa mga eskwelahan na magsagawa ng kinakailangang adjustments sa pagsasagawa ng make-up classes lalo na at pinaghahandaan ng bansa ang dalawang bagyo, ang Typhoon “Rolly” at Tropical Storm “Atsani” na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang make-up classes ay isinasagawa ng mga eskwelahan para tulungan ang mga estudyante na makahabol sa mga aralin na kanilang nalampasan bunga ng nasuspindeng klase.

Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, inaasahang makakabuo ng desisyon hinggil sa make-up classes ang mga eskwelahan o school division offices lalo na at flexible ang kasalukuyang learning delivery.


Pinapayagan aniya ang mga local offices na magpatupad ng iba’t ibang strategies sa pagsasagawa ng make-up classes lalo na at sila ang nakakaalam ng sitwasyon sa kanilang lugar.

Binanggit din ni San Antonio, na sa ilalim ng Executive Order no. 6 series of 2012, ang mga local chief executives ay may awtoridad para magdeklara ng class suspension batay na rin sa sitwasyon ng kanilang nasasakupan.

Ipinapatupad pa rin ang automatic class suspension sa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signals (TCWS):
– Signal no. 1: walang pasok sa kindergarten
– Signal no. 2: walang pasok sa kindergarten, elementary, at high school
– Signal no 3: walang pasok sa lahat ng antas, kabilang ang graduate schools

Facebook Comments